Powered By Blogger

Huwebes, Pebrero 2, 2012

Ang Aking Talambuhay (hakeem)

HAGDAN
ang talambuhay ni HAKEEM V. CANONIO(1996-kasalukuyan)
     Isang batang lalaki ang isinilang sa Balayan,Batanggas matapos ang halos 10 buwan na pagdadalang tao ng ina nito na si Marcia Lagunzad dela Vega na tubong Visayas. Bunga ito ng pagsasama ng kanyang ina na kababanggit lamang at ng butihing ama nito na si Geromino Targa Canonio na nagmula pa sa Guinyangan,Quezon. Nagkakilala ang dalawa sa pareho nilang pinasukan na Unibersidad na kilalang kilala sa lalawigan ng Batanggas. Nagkakilala ang dalawa at kalaunan ay nahulog na ang dalawa sa isa’t isa. Marso 8, 1996 ipinanganak ang bata at sa taon ding iyon saka lamang ikinasal ang dalawang ito noong Mayo 29, 1996. Ang bata ay hindi man lamang gumawa ng ingay o umiyak matapos ipanganak kaya napagkalaman ng mga doktor na nagluwal dito na patay na ang sanggol kung hindi lamang buhusan ng tubig sa lababo ng hospital. Nag ingay at umiyak na ang bata at naging masaya ang lahat sa pagsilang sa Caesarian section. Ibinigay ang pangalang Hakeem dela Vega Canonio alinsunod sa hilig ng ama nito sa basketbol at sa idolo nitong si Hakim Olajuwon. Bininyagan siya bilang katoliko sa Batanggas rin noong siya ay apat na taong gulang na.
     Isinilang ang bata na ito na sobrang itim ang kulay ng balat, ngunit unti unting pumupusyaw ang kulay habang lumalaki. Lumaki si Hakeem sa Brgy. San Rafael sa San Pablo, Laguna matapos ang dalawang taon na pagpapalaki nito sa Batanggas kasama ang lola nito. Pinalaki ito ng kanyang magulang na may takot sa DIYOS. Hindi maaring hindi siya magdadasal bago at matapos kumain, bago matulog sa gabi at gayon rin sa paggising sa umaga. Gayunpaman, hindi nawala sa batang ito ang pagiging sobrang kulit, sutil, at pagiging lampa na sa tuwing makikipaglaro ito sa mga bata sa labas ay laging may sugat o pasa sa anumang parte ng katawan, mabuti na lamang at hind masyadong nagpeklat ang mga tinamo niyang sugat at hindi nagmukhang pinabayaan ng mga magulang. Salamat sa kanyang maarugang magulang na hindi masyadong nakunsumi sa kanyang kakulitan na halos hindi pumipirme sa isang tayo at parang sinisilihan.
     Pumasok siya sa paaralang Central school sa San Pablo pa rin. Doon siya nag-aral ng kinder nang apat na buwan lamang at nakakuha ng parangal na pang-apat na pinakamagaling sa klase. Nakamit din niya ang parangal na pinakamagaling gumuhit sa mga kaeskwela niya. Salamat sa butihing ina na nagtuturo sa kanya bago pa lamang siya pumasok ng eskwelahahan.
     Sa paaralan ding iyon doon siya nag-aral  ng elementary hanggang sa makagraduweyt. Ni minsan, hindi siya napalipat ng section. Lagi siyang sa ikalawang seksyon. Hindi niya masyadong inuukulan ng pansin ang pag-aaral kaya hindi rin siya tumataas at hindi naman siya nagpapabaya kaya hindi rin siya bumababa. Grade 2 nang una siyang makadama ng paghanga o crush sa isang batang babae na kaeskwela niya ngunit masyado pa siyang bata upang pagtuunan ito. Grade 3 siya nang lumipat ng bahay sa San Mateo, sa San Pablo pa rin. Doon nakita ni Hakeem ang ibang asal ng mga bata na tulad ng pagiging barumbado, pananagot sa magulang, pagmumura at paghithit ng sigarilyo na mukhang hindi niya nagustuhan kaya hindi na siya malimit lumalabas ng bahay at bihira ng magkasugat kaya unti-unti na ring nabawasan ang kalikutan ng kanyang katawan. Inukulan na niya ng pansin ang pag-aalaga sa sarili at pagiging malusog. Ang kanyang kutis na may kaputian na ng konti ay nagiging tisoy na. Naging disiplinado na rin siya  kahit papaano o kauntian sa mga panahong ito ngunit ganoon parin siya kakulit tulad ng dati. Sobrang kulit!
     Grade 5, mukhang napansin na niya ang kanyang potensyal sa larangan ng matematika. Dahil dito, pinag-ukulan na niya nang pansin ang pag-aaral. Naging pang anim siya sa pangkalahatang markahan, ang una niyang karangalan sa elementarya idagdag pa dahil kasama siya sa parangal na grupong pinakamagaling sumayaw sa Family Day ng buong paaralan.
     Grade 6, Dito siya nagkaroon ng maraming hinahangaan o crush. Dati ay iisa lamang ngunit umabot sa anim. Ngunit may pagka isip-bata pa rin siya kaya pinabayaan na lamang niya ang mga nararamdamang iyon at mas inisip ang paglalaro kasabay ang pag-aaral. Mabuti iyon sapagkat naging top 4 na siya sa pangkalahatang markahan. Dito rin niya nakilala at hinangaan nang husto si “Bamboo” Manalac. Isang musikero sa isang banda na nakapangalan sa kanya. Hinangaan niya ito nang husto at nagsimula ito sa pagkakarinig niya sa kanta niyang “TATSULOK”. At dahil dito ay ninais na rin niya na sundan ang apak ng hinahangaan niya.
     Sa pagtatapos ng kanyang pag-aaral sa elementarya ay umakyat siya ng sekundarya sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National Highschool sa section na IA. Dito niya ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral at nakatapos sa taong ito na may mataas na marka at may magandang pangalan lalu na sa larangan ng matematika. Ikaanim siya sa pinakamagaling sa klase sa taong ito. Dito niya rin nakilala ang taong nagpatibok ng puso niya sa maikling pagkikita lamang bagamat hindi niya ito kaklase. Ngunit hindi siya nagkaroon ng balak na ligawan ang nasabing babaeng iyon. Siya ang napiling Escort sa klase nila at sa ginanap na patimpalak na Mr. & Ms. Freshmen, siya ang itinanghal na 1strunner up.
     Sa ikalawang taon ng pag-aaral sa Dizon, siya ay napalipat sa IIAMuli, nagpakitang gilas nanaman siya sa klase at siya muli ang Escort ng klase at sa naganap na taunang Mr. & Ms. Intrams, siya naman ang hinirang na pinakamagandang bihis sa suot na pambilyar. At sa naganap na taunang pagtatanghal ng istoryang Florante at Laura, siya rin ang itinanghal na ikatlo sa pinakamagaling sa aktor bilang Florante. Dito rin una niyang niregaluhan ang kanyang iniibig mula pa noong unang taon sa paaralang ito noong kaarawan niya. Siya pa rin ang nangunguna sa klase pagdating sa matematika ngunit pang lima sa pangkalahatan.
     Sa ikatlong taon. Muli, IIIA siya. Siya muli ang Escort ng klase at sa Mr. & Ms. Intrams, siya ang pumangalawa sa titulo sa suot na pambasketbol. Dito na rin nagsimula ang magandang pagkakaibigan nila ni Gerry L. Ilustre, kanyang kaklase. Kapag and dalawa nito ay nagsama ay siguradong napakaingay sa klase sapagkat may ugaling ang dalawa na pareho sa kanila, ang pagiging sobrang gulo. Nabuo na rin ang samahang “PARTYPIPZ” at kasama siya roon sa grupong iyon. Muli niyang niregaluhan ang kanyang iniibig mula pa noong unang taon sa kanyang kaarawan. Siya parin ang nangunguna sa matematika at ikalima na pinakamagaling sa klase
     Pebrero ng taong 2011 nang magpaconvert siya sa “Born again Christian”. At sa music ministry, siya ang drummer roon. Doon niya raw natutunan ang tunay na nilalaman ng bibliya at nakilala kung sino ba talaga ang DIYOS na sinasamba natin.
Kasalukuyan siyang nag-aaral sa ikaapat na taon sa IVA. Noong agosto noong nakaraang taong 2011 ay sinalihan niya ang itinuturing na pinakamahirap na Entrance Exam sa Pilipinas. Ang UPCAT(University of the Philippines College Admission Test). Pinapangarap niya na siya ay makapasa rito para sa mas maliwanag na kinabukasan at maalwan pa ito sa bulsa sapagkat ang kanyang ama ay nagtatrabaho sa U.P. at kung siya ay makakapasa rito ay hindi magbabayad ng tuition. Sa ngayon ay bumaba nang kaunti ang kanyang mga grado ngunit nais niyang ipangako sa sarili na makakabawi siya sa pag-aaral at magkakaroon ng mataas na marka. Siya pa rin ang nangunguna sa larangan ng matematika ngunit hindi na siya kasali sa sampung pinakamagagaling. Sa ngayon ay mayroon siyang kasintahahan na kaklase niya ngayon at ang minahal niya nang husto noong unang taon pa lamang ay kinalimutan na niya. Ito ang una niyang kasintahan. Nabalitaan na rin niya isang araw na mayroon nang kasintahahan ang dati niyang mahal ngunit ayos lamang ito sa kanya. Nang magkaroon ng Mr. & Ms. Dizon High ay hindi siya pinalad na manalo ngunit nakasama siya sa top 7 sa paligsahang iyon. At dahil sa pagnanais na sundan ang apak ng hinahangaan niya na si Bamboo, sumasali siya bilang performer sa mga fund raising concerts ng paaralan. Kinanta na niya sa entablado ang mga kantang “KISAPMATA” at “AWIT NG KABATAAN” at hindi naman siya nabigo dahil natuwa at nagkasayahan ang mga tao sa kinanta niya.
     Sa hinaharap, nais niyang maging isang mamamayang may pinag-aralan. Nais niyang matapos ang kanyang pag-aaral sa U.P. at maging Alumni nito. Nais niyang maging isang Physics o Math teacher. At nais niyang magkaroon ng banda na sisikat sa buong Pilipinas. Buong tiyaga niya itong aabutin sa HAGDAN ng tagumpay kasama ang NAGI-ISANG DIYOS.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento